Haven of an Undesired Human…

Archive for June, 2011

REPOST: Classroom, hindi lapis.

by Bob Ong on Friday, May 27, 2011 at 3:47pm

Sana yung mga kumpanya, lalo na yung malalaki, ibuhos na lang ang tulong sa edukasyon sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga eskwelahan, o kahit ng paisa-isang classroom, o pagkukumpuni ng mga luma, delikado, at hindi na nagagamit na silid-aralan.  Kung hindi kaya ng isang kumpanya, pwedeng makipagtulungan sa isa pang kumpanya…o grupo ng mga kumpanya.  Ang importante, nakakatulong nang malaki ang mga may malaking maitutulong.

   
 

Yung mga bag, pambura, krayola, lapis, ballpen at papel…sige, pati na mga libro o ilaw, electric fan, blackboard, at cabinet…pwede nang pagtulung-tulungan sagutin ng mga donasyon ng ordinaryong mamamayan.  Sayang ang kapasidad ng malalaking korporasyon kung ang konsepto nila ng pagtulong ay kapantay lang ng mga naibibigay ng pribadong indibidwal.

   
 

Eskwelahan, buildings, classrooms, facilities–laging kailangan, laging kulang.  Mga korporasyon lang ang makakatulong sa pamahalaan na tumugon sa kakulangan natin ng mga ganito.  Sa pananaw ko, yung mga reading programs, educational materials, at school supplies, pwede na muna nilang kalimutan dahil kaya naman itong sagutin ng NGO’s at mga nagmamalasakit na mamamayan.  At aminin na natin, napaka-bulok ng style ng mga kumpanyang pabibilhin ka muna ng mga hamburger nila para mag-donate sila ng isang milyong piso…na alam naman natin, ay barya lang sa kita nila bawat araw.

   
 

   
 

   

Pahabol na reaksyon sa mga comment:

May sariling mga proyekto ang dalawang malalaking istasyon ng TV, sa tulong na rin ng mga mamamayan.  Pero kung ibubuhos nila ang lahat ng tulong sa paggawa ng classrooms, malamang ay kayanin nila ang pagbuo ng tig-isang maliit na elementary school bawat taon.

   
 

Maski ang maliliit na foundation/organization, kung iipunin ang resources nila at magkakaisa sa isang proyektong pang-edukasyon, ay makakabuo at makakapag-ambag ng paisa-isang classroom o school building, at hindi lang ng mga dole-out na school supplies na kaya namang ibigay ng mga tambay sa Starbucks.

   
 

Ang punto ay ang tamang paggamit ng mga pondo: maliliit na pondo sa maliliit na proyekto, at malalaking proyekto sa malalaking pondo.  Hindi dapat sayangin ang malalaking pondo sa paggawa ng maliliit na proyekto.  Dahil yun ay matagal nang trabaho ng mga politiko.

   
 

—–

   
 

Huling pahabol na reaksyon sa mga comment:

Mga bata, hindi ito tungkol sa “demonization” sa mga kumpanya (“Sila kasi!”) kundi tungkol sa kung paano sila MAS makakatulong kung tutulong din lang naman sila.  Hindi ito tungkol sa mas malalaking perang maibibigay nila, kundi sa mas mabisang paggasta.  May maliit lang tayong puna sa dulo, pero ang punto ay tungkol sa isang ideya at hindi sa pambabatikos.  Iwasan natin ang kultura ng “Sila kasi!” na ipinapamana ng media, at sanayin natin ang sarili sa pagbuo ng mga ideya na makakapagpabuti sa mga kinagisnang sistema.

   
 

Higit sa lahat, stay on topic, wala sa ating mangyayari kung lahat ng problema sa edukasyon ay pagdidikit-dikitin natin at sabay-sabay na poproblemahin. =>

 


Nasumpungan

“Some books make us dream, others bring us face to face with reality, but what matters most to the author is the honesty with which a book is written.”

                                                             – Paulo Coelho

Manunulat yan ang trabahong araw-araw kong ginagawa sa loob ng mahigit tatlong taon. Pagsulat na bumubuhay sa akin at sa mga umaasa sakin. Ngunit sa pagdaan ng panahon hindi lamang naging basta pantawid buhay ang pagsusulat, naging isang instrumento rin ito upang maipahayag ang mga nakipkip na saloobin, mga pangarap, mga hangarin at kakulangan sa sarili. Pagsulat na hindi lamang sa libro matatagpuan pagsulat na nagbibigay daan upang ako mismo bilang manunulat ng sarili kong akda ay makita ang kabilang bahagi ng aking pagkatao na pilit na itinatago at pinilit na tinatakwil ng mismong sarili.

Pagsulat na sa bawat minuto ng aking buhay ay aking minamahal. Ngunit katulad ng isang tunay na minamahal dumating din ako sa puntong naitanong ko sa aking sarili kung ito nga ba ay para sa akin? Ito nga ba ang pupuno sa mga kahungangan at mga pagkadismayang lumulukob sa aking damdamin. Ngunit gaya ng dati gaano man pigilan, ang bugso ng damdamin, ideya sa aking isip ay malwalhating dumadaloy sa aking kabuuan na kapara ng ilog na nagbibigay buhay sa kaluluwa ng mga salita. Umaagos, malaya at walang pag-aalinlangan.

Marami man ang may disgusto at hindi aayon sa mga dura ng utak, hindi ito kailanman magbibigay busal sa bibig na hindi isantinig ang laman ng diwa. Nagyon napagtanto ko na kung bakit ako nagsusulat hindi upang mabuhay kundi upang dugtungan ang aking buhay.

Buhay na malaya. walang limitasyon.

Sapagkat ayokong makahon sa mga batas ng panulat, o magpatianod sa dikta ng mga batikang manunulat at tagabasa, o mangimi sa pagsulat sa mga usaping kinatatakutan ng iba. Sapagkat batid kong napakalawak ng daan patungo sa aking nais. Gabay ko ang mga aklat ng karanasan at kaalaman upang mapabuti ang kasanayang aking taglay.

Dahil may kwenta man ito o wala, Katanggap-tanggap man ito o hindi, Ito ay AKO.

Ang salamin ng aking kabuuan.


Indayog ng Kawalan

 

Blanko

 

Pinipilit ang sariling tumipa ng makabuluhang akda. Makipagtunggali sa mga maharlika ng panitikan..

Sa pagdura ng utak, sa pagtampisaw ng tinta sa nagsusumamong espasyong magbibigay halaga sa mga salitang nakikipag-unahan

at naninibugho sa bawat isa. Unti-unting hinuhugot sa yungib ng gunita.

 

Ang halinghing ng mga dahon, ang alingawngaw ng hanging humahalik sa peklat ng kahapon ang inaasahang magbibigay alab sa natutulog na adhikain ng isang tampalasang manananggal

 

Nangangalumata na sa kahihintay na bumuhos ang mga salita at ideyang magbibigay luwalhati sa lugami kamalayan at papawi sa tigang na damdamin. Ngunit kahit anong pilit, kahit ano pang pagsusumamo sa lahat ng mga banal sa langit, wala, walang pa ring makabuluhang maibahagi.

 

Pilit na ikinukulong ang pagkatao sa madilim, masikip na sulok. Upang mangalap ng kalawakan ng pag-unawa sa mga nagdudunong-dunungan at walang bahid dungis na mga propeta na nagbibigay lukot sa kuyukot. Ngunit gaano man katindi ang pagpipigil na huwag humulagpos ang bangis sa iyong pagakatao ay patuloy pa rin itong bubulusok sa kailaliman ng iyong kaluluwa. Kahit emosyon ay walang magawa, anumang pagtatangka, makipagpatentero ka man sa mga salita. Wala pa ring makabuluhang maibahagi.

 

Bahaw na utak, palasak na mga ideya bumubuo at dumidikit na parang dikya sa aking diwa.

 

Wala pa rin maisulat. Panaghoy ng makinilya, paghiyaw ng puting espasyo Wala, wala pa ring makabuluhang maibahagi.

 

Sulat, burasulat, sulat, bura, bura, bura, mali. Walang kabuluhan, payak, walang kaisahan. Sabog.

 

Hindi na kaya nang pakikipagharutan sa isip, makipagpulut-pukyutan man sa diwa o makiapid man sa damdamin, wala pa ring matinong maidura sa puting espasyo. Wala pa ring maibahaging matino ang abang nagnanais maging manunulat.

 

Blanko

 

 

 

 

Rated R: (Hindi ito isang lahok, isang lamang itong pagpupugay sa Kamalayang Malaya 2 ni Lolo Kulisap)


Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 33 other followers